Hindi ko kayang i-describe kung gaano ang sayang nararamdaman ko habang tinitignan ko ang bunso kong anak na si Alisa na tumatalon-talon. Tuwang-tuwa syang salubungin kami ng nanay nya nang isang araw na galing kami ng Dapitan Arcade, namili ng mga Christmas decors para sa papalapit na kapaskuhan.
Lalong natuwa si Alisa ng sagutin ko ang tanong nya kung ano daw ba ang laman ng kahon na dala ko. Ang sabi ko, “This is a christmas tree.” “This is so much fun!” ang sagot nya na ginagaya ang boses ng favorite cartoon character na si Princess Sofia.
Sa mahabang panahon, tulad ng maraming OFWs na nasa iban’t ibang panig ng mundo, madalas na hindi ako nakakapag-celebrate ng Christmas na kasama ang family ko. Natatandaan ko pa noon, isang Pasko na nasa barko, at kami ay nasa gitna ng karagatan ng Japan. Sa panahon ng winter, kilala ang Japan Sea bilang isang malupit sa bagyo. Dahil isang chemical tanker ang aming barko, sa gitna ng masamang panahon, kailangan naming magtrabaho upang ihanda ang aming cargo tank para sa susunod na kargamento. Higit sa bigat at sama ng panahon, malaking kalungkutan at hirap ang nararamdaman ng karamihan sa amin, hindi dahil sa sobrang pagsusuka dahil sa malalaking alon, kundi dahil sa lungkot tuwing naaalala namin na sa mga oras na ito ang aming pamilya ay nag-hahanda ng pang Noche Buena, habang kami ay wala.
Pag-patak ng alas dose ng madaling araw, sa gitna ng napaka busy naming trabaho, biglang nagulat kaming lahat sa tunog ng fire alarm. Kasunod nito, narinig namin sa PA (public address) ang announcement ng aming Third Mate na syang naka duty sa mga oras na iyon. “Attention all Crew! Merry Christmas!” Nakalimutan namin na pasko na pala, Dec 25. “All hands, please proceed to the messhall, for our Christmas dinner!” Kaya naman tinawag ko na ang lahat ng aking mga kasama na pumasok na sa accommodation para pagsalu-saluhan ang mga pagkaing hinanda ng mga galley crew.
Nanguna ang aming Captain para sa isang maikling panalangin. At bilang Chief Mate hiniling ni Kapitan na dugtungan ko ang kanyang panalangin. At habang taimtim na kaming lahat ay nananalangin, sa di inaakalang pagkakataon, biglang hinampas ang aming barko ng isang napakalaking alon na naging dahilan ng pagtagilid nito at tumilapon ang mga handa namin na nasa lamesa. Makaraan ang alon na iyon, naaawa man kami sa aming mga sarili, pero wala kaming magagawa kundi pulutin ang mga pagkaing kumalat sa sahig.
Matapos ang aming munting salu-salo, ipinamigay namin ang mga simpleng regalo na surpresa kong binili nung huling nag shore leave ako. Then, after that, umakyat kami sa Bridge (navigational room), upang tumawag sa aming mga pamilya gamit ang satellite phone. Mahal man ang rate per minute, pero wala na kaming paki-alam sa aming babayaran, ang mahalaga maka-usap namin sila. Sa gitna ng pila, di pa rin talaga maikaila ang pagiging masiyahin ng mga marinong Filipino. Makikita mo ang kakulitan upang libangin ang sarili sa pag-aantay habang may naka pila pa sa satellite phone. Tandang-tanda ko, habang tumatawa ako sa lahat ng hirit na joke ng isa sa mga crew namin, at nang sumalang na sya sa satellite phone, bakas pa din ang kanyang pagiging makulit, bumati sya, tuwang-tuwa syang kinumusta bawat anak at tinanong kung ano ang kanilang handa. Makailang saglit lang unti-unti syang tumahimik. At nung tignan ko sya, makikita sa gilid ng kanyang pisngi ang pag-agos ng kanyang mga luha, patunay na unti-unti ng kumakagat ang sakit at pait ng pangungulila.
Ngayon, mahigit isang taon na akong hindi sumasakay ng barko. Kaya ganun na lamang ang mangha ko sa tuwang naramdaman ko, habang nag hahanda ng Christmas tree kasama ang buong pamilya ko. Dahil sa nakamit ko na ang aking mga goals na dahilan upang ako ay tumigil at maka hanap ng alternative source of income, wala na akong pangamba ng kalungkutan sa mga panahong ganitong sasapit ang kapaskuhan. Kaya ang aking mission ngayon ay paano ituro sa mga kapwa ko OFWs ang paraan kung papaano nga ba makapiling ang kanilang mga pamilya “for good.”
Hindi ko man maipaliwanag sa maikling blog na ito ang mga tamang bagay na dapat na gawin upang makamit ang tinatawag na financial independence, isa lang ang palagi kong payo—set your goals! Ang nakakalungkot sa karamihang mga OFWs, pinag-planuhan kung pano nga ba makapag-abroad, pero hindi pinag-planuhan kung paano makakabalik for good. Know your goals kung bakit ka nga ba nag-OFW. Ano ang pinakamalalim mong dahilan upang ipag-palit mo na makasama ang pamilya kaysa sa kumita ng dolyar? Mag-kano ang halaga ng pera na kailangan mo upang mangyari ang lahat ng mga goals mo? At higit sa lahat, doon mo ba inilalaan ang perang kinikita mo—sa mga importate mong goals? Kung hindi mo alam ang halaga ng pera na mag-papatigil sa’yo, chances are, hindi ka makakatigil sa pag-aabroad.
Kaya naman matinding tama sa puso ko nang mapanood ko ang video na ginawa ng OFW Kabalikat ng Philam life. I hope maramdaman nyo ang mensahe ng video na ito. Ano nga ba ang REAL ANSWER sa real purpose ng ating pagiging-OFW?
https://www.youtube.com/watch?v=QPs1mS3lqh8
Sa maraming laban sa pag-harap sa buhay bilang OFW, pamilya palagi ang ating kakampi. In fact, the reason most OFW left the country, is because of his or her family. Pamilya ang dahilan kung bakit tayo nag papakahirap sa ibang bansa kaya pamilya din ang makakatulong sa pag-babalik natin for good. Kaya naman sa pamilya ng mga OFWs, ‘wag nyong hayaan na maging panghabang buhay ang pag-kakawalay nyo sa asawa, anak, or kapatid nyo; malaki ang papel na inyong ginagalawan. Kayo ang inspirasyon ng isang OFW. Sa labang ito di lamang ang OFW ang bayani dito, maging ang mga kamag-anakan nilang nagawang makapag-pauwi ng isang OFW. Tara na balik ka na FOR GOOD!